Guest Post and Giveaway: Pitóng Talâ sa Pagsusulat ng Janus Sílang ni Edgar Calabia Samar

Magandang araw po at maraming salamat sa aming mga giliw na mambabasa na patuloy na sumusubaybay sa blog na ito. Nagpapasalamat din po ako kay Sir Edgar sa pagpapaunlak na mag-guest post dito. Maraming-maraming salamat po!

Naisip ko po ang tema na ito dahil bilang isang manunulat at mambabasa ay nais ko rin pong malaman kung paano nabubuo ng isang manunulat ang kanilang aklat. Para po sa akin, ang kuwento mismo at ang pagbuo ng isang ideya at kung paano naisakatuparan ito ay parehong interesante. Hindi ko na po hahabaan pa ang pasakalye, narito na po si Edgar Calabia Samar at ang making at behind the scenes ng Janus Sílang.

Jho-sigstylediv

1. Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon ang una kong YA novel, pero ito ang ikatlo kong nobela pagkatapos ng Walong Diwata ng Pagkahulog (Anvil Publishing, 2009) at Sa Kasunod ng 909 (UST Publishing House, 2012). Halos tig-apat na taon ang inabot bago ko natapos ang unang draft ng unang dalawang nobela; isang buong buwan lang ang inabot ko sa pagsusulat ng unang draft ng Janus noong Hunyo 2013.

2. Siyempre, nagtuturo ako’t nag-aaral (ng MA, at pagkatapos, ng PhD), rumaraket, nagpapakaabala sa maraming ibang bagay nang sinusulat ko ang unang dalawang nobela noong 2004 hanggang 2011. Noong sinusulat ko naman ang Janus, nakatutok lang ako rito. Walang ibang mahalaga kundi ang masimulan at matapos ang nobela.

3. Ang totoo, bago ko pa man inupuan ang unang draft ng Janus noong isang taon, matagal ko nang nililimliman ang idea para rito. Noong 2010, matapos ang PEN Congress, nagpaiwan ako sa Cebu upang mag-isang maglagalag sa siyudad. Sa isa sa mga hapon ng Disyembreng iyon, sa isang kainan sa Cebu, nagbalangkas ako ng kaba-kabanata para sa isang YA. Pagbalik ko sa Maynila, natabunan ang proyekto ng ibang gawain. Hindi ko na iyon nabalikan kahit nang sinusulat ko na ang Janus, bagaman dama kong ginagabayan ako ng espiritu ng hápong iyon sa Cebu nang binuno ko na sa wakas ang nobelang ito.

4. Dahil sa Timehop, naalala ko kamakailan lang ang una kong inisip na pamagat para rito:

 image

 Buti na lang at nagbago ang isip ko (bagaman maaaring magamit ko pa rin ang “Agoyor” bilang pamagat ng isa sa mga kabanata ng Janus sa mga susunod na aklat ng serye; tingnan na lang sa diksiyonaryo ang kahulugan nito). Nag-iba rin ang bilang ng mga namatay sa simula ng nobela, at hindi tulad ng orihinal kong plano na iikot ang kuwento sa mga biktima, ang Janus ay umiikot sa kuwento ng nag-iisang nakaligtas.

5. Nang malapit na akong matapos sa unang draft ng nobela, saka ko natuklasan na hindi isang nobela lang ang proyekto, kundi isang seryeng YA. Kakaiba ang excitement na naramdaman ko nang dumating sa akin ang posibilidad na iyon—na nakaharap ako sa bungad pa lang ng isang mas malawak na proyekto. Ang kontrata ko sa Adarna ay para pa lamang sa tatlong aklat, subalit lagi kong sinasabi (pabiro, bagaman alam ko sa loob ko na totoo) na may bisyon ako para sa siyam na aklat na bubuo sa Janus Sílang Series.

6. Bagaman 30 araw ko lang sinulat ang first draft ng Si Janus Sílang at ang Tiyanak ng Tábon, inabot naman ng humigit-kumulang anim pang buwan ang proseso ng rebisyon. Makapasko nang ipasa ko ang final draft ng nobela, matapos ang pakikinig sa mga puna at mungkahi ng mga editor ng Adarna. Ito ang unang pagkakataon na naranasan ko ang pagkakaroon ng bukás na diyalogo sa pagitan ko at ng aking mga publisher bilang mga editor din. Sa maraming pagkakataon, nagtitiwala ako sa kanila dahil mas kilala nila ang demographics ng target audience namin. Sa ibang pagkakataon, kailangan kong ipaliwanag naman sa kanila kung bakit ko ibig igiit ang ilang bagay sa nobela kahit hindi lubos ang kanilang pagsang-ayon.

7. Matapos ang akala ko’y final draft na, nagkaroon ako ng finally ay final na talagang version ng manuskrito matapos ang diyalogo ko sa artistic team na sangkot sa Janus na pinangungunahan ni Borg Sinaban na siyang gumawa ng cover design. Nang mapagdesisyunan naming pagsuotin ng kuwintas na may pendant na USB si Janus sa cover, halimbawa, kinailangan kong gawin iyong mahalaga sa nobela. Ngayon, lumabas na sa wakas ang nobela, at sana’y magustuhan ninyo’t abangan ang mga susunod pang pakikipagsapalaran ni Janus Sílang!

*Maaaring i-like sa FB ang Janus Sílang Series sa http://www.facebook.com/JanusSilang. Maaari ring i-follow si Edgar Calabia Samar sa @ecsamar sa Twitter. Bisitahin ang edgarsamar.com para sa iba pang akda ni Samar.

Jho-sigstylediv

Come and join the giveaway by simply clicking the link below:

Rafflecopter Giveaway
Link: http://www.rafflecopter.com/rafl/share-code/OWQ0NTM2YWM0MTZlOGE0OTA5ZDM3ZWQ2ZWM2NDI3OjM=/

Advertisements

6 thoughts on “Guest Post and Giveaway: Pitóng Talâ sa Pagsusulat ng Janus Sílang ni Edgar Calabia Samar

    • Gusto ko na ngang mabasa ang kasunod na aklat. Now na! 🙂 Ako na ang mainipin. Haha. Malapit ko nang matapos ang unang installment. Natapos ko na sana, kaso sobrang sakit lang ng ulo ko. Alam ko bitin ‘to haha. Pero at least, meron tayong hinihintay, kaya okay lang din na maghintay. 😀 Ako na ang magulo haha. 🙂

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s